MAID TO LOVE YOU, upcoming release
Hindi naman ganoon kahirap maglinis doon, natuklasan ni Grace. Noong maisilid niya sa trash bags ang mga retaso ng sari-saring basura, kaunting lampaso lang ng mop na isinawsaw sa tubig na may Lysol, hindi na amoy estero ang ground floor. Isinunod niya ang pagpapalit ng bedsheets sa mga kuwarto bago siya nag-spray ng air freshener sa buong bahay.
Nang pasado alas cuatro na, masaya na siyang nag-i-inspect ng laman ng ref at pantry na mabuti na lang (kahit pa nakapagtataka) ay bagong stock ng sari-saring grocery items.
“Weird ’yang Aling Nieves na ’yan, ha,” bulong niya sa sarili habang nagpaplano ng hapunan sa kabila ng pag-iisip ng maaaring dahilan ng pagdi-disappear nito.
Nagde-decide siya kung anong karne ang ilalabas mula sa freezer nang tumunog ang doorbell. Hindi na siya nag-abalang ayusin ang hitsura, tinungo niya agad ang pinto. Baka ang nawawalang caretaker na iyon.
Nang hawiin niya iyon para ibukas, parang gusto niyang tuktukan ang sarili pagkatapos ay mahimatay.
There she stood in her dirty clothes, mukhang pinamugaran na ng daga ang buhok niya, may mantsa ng tulo ng pawis sa kanyang mga pisngi at hindi siya amoy Perry Ellis samantalang ang lalaking pinagbuksan niya ay saksakan ng linis, saksakan ng kinis at saksakan din ng bango. Hindi pa yata niya nabanggit, saksakan ito ng kisig at… saksakan ng guwapo.
“Magandang hapon po,” bati nito, “Ako si Marc Sison. Ikaw si Aling Nieves?”
Pangalan iyon ng caretaker. Of course, hindi siya si Aling Nieves, and under normal circumstances, maiirita siya na napagkamalan siyang maid. Pero kaysa naman aminin niyang hindi siya ang caretaker at ganoon ang ayos niya at nakatayo siya sa harap ng isang napakaguwapong nilalang…
“Ay, uu, Ser,” sagot niya na may exaggerated na accent ng taga-Bisaya, “naibilin nga pu sa aken na darateng kayo.”Ang unang napansin ni Marc nang makita ang babaeng nagbukas ng pinto para sa kanya ay ang suot nitong lumang Armani T-shirt at medyo gula-gulanit na DKNY maong shorts. Kahit nababahiran ng dumi, alam niyang hindi peke ang tatak niyon. Sa mga biyahe niya na nagdadala sa kanya sa mga itinuturing na fashion capitals of the world, at dahil may apat siyang kapatid na babae na mahilig sa branded apparel at parating nagbibilin sa kanya ng pasalubong tuwing mapapadpad siya abroad, kabisado niya ang hitsura ng peke at tunay na tatak.
Tunay kaya na may isang kasambahay na nagsusuot ng Armani? Unless may nabibiling Armani sa ukayan…
“Ikaw si Aling Nieves?” alanganin niyang tanong matapos magpakilala.
Babawiin na sana niya ang tanong nang mapansing hindi agad ito nag-react. Mali nga yata siya sa in-assume niya na ito ang caretaker. May caretaker din ba na kahit marusing ang mukha ay kitang-kita ang ebidensya ng makinis na kutis? At alam niyang hindi lang dahil likas na makinis ang balat nito. Halatang iyon ang tipo ng balat na alagang-alaga at parang hindi kailanman nadapuan ng langaw o lamok. Obvious naman sa makinis at mapuputing legs nito.
Itinaas niya ang tingin para muling itutok sa ulo nito. Are those Swarovski crystals on her hair clamp? Inilipat niya ang titig sa mga mata nitong chocolate brown at napapalibutan ng makakapal at malalantik na pilik. Mamula-mula ang mga labi nito na tila nag-iimbita ng halik at…
What the hell, Marc?
“Ay, uu, Ser,” anito sa matigas na accent, “naibilin nga pu sa aken na darateng kayo.”
So ito nga ang caretaker? Namamanyak siya sa isang kasambahay?(c) Bookware Publishing Corp.
Para kay Ivy Claire at kay cutie Celine… 🙂
*pic from Google Images
unconditionallylove says
Reblogged this on acogidojashcamae.