A Dream Is A Wish…
“Kailan ba tayo magkikita?”
Umalingawngaw ang boses na iyon mula sa kawalan.
Iminulat ng lalaki ang kanyang mga mata at agad na luminga. Weird… naisip nito. Mas naramdaman niya ang boses kaysa aktuwal na narinig.
Luminga siya. Napansin niyang hindi niya kuwarto ang kinaroroonan niya. Iba ang kulay ng pader. Iba ang hitsura ng bedsheets. Iba ang…
Sandali nga. Kung naiiba, bakit pamilyar pa rin sa kanya?
“Ang tagal-tagal na kitang hinihintay,” alingawngaw muli ng boses.
“Konting tiis na lang, malapit na malapit na,” sagot niya.
Hey… bakit ba siya sumasagot?
“Bakit ba kasi ang tagal mong nasa malayo?” May pagtatampo sa tono ng boses nito.
Naging mapang-alo ang ngiti niya. “Kailangan lang talaga, Love,” sagot niya. “Hindi naman ’to forever.”
“Uwi ka na, please?” lambing nito.
“’Eto na po, nanginginig pa.”
Binilisan niya ang pag-eempake ng mga gamit niya. Miraculously, naroon na agad sa kanyang harapan ang maleta. Sa loob ng ilang oras, kailangan niyang makasakay sa eroplano na maghahatid sa kanya sa lugar ng babaeng tumatawag sa kanya.
“Teka. Nasaan ka nga pala?” Pero parang alam niya kung saan ito pupuntahan.
“I’m just here.”
Gulat siyang lumingon at naramdaman niyang tumigil ang kanyang paghinga. Nakalimutan na yata niya kung gaano siya nabighani ng dalagang ito. Nakikita rin sa mga mata nito na siya lang ang tanging nakikita nito. Ang tanging nasa isip nito.
May yabang siyang napangiti. Ibinuka niya ang mga bisig at inanyayahan itong lumapit. Gumanti ito ng matamis at mapang-akit na ngiti bago marahang naglakad palapit sa kanya. Hanggang sa nakatayo na ito mismo sa kanyang harapan. Agad niya itong niyakap.
“Hello, my lovely.” Masayang itinaas niya ang isang kamay para haplusin ang pisngi nito.
Humagikgik ito bago ipinatong ang palad sa kanyang kamay.
God, but she was beautiful! He loved her. She loved him. She was his.
“Na-miss kita nang sobra-sobra,” eksaherado nitong sabi.
“Talaga?” pagpapa-cute niya. “Gaano ka-miss?”
“Ganito, o…” Bumitaw ito saglit sa pagkakayakap sa kanya para idipa ang mga braso, ipinapakita sa kanya kung gaano siya nito na-miss.
“Ako din. Miss na miss kita nang ganito.” Ginaya niya ang muwestra nito.
“’Di bale.” Inihilig nito muli ang ulo sa kanyang dibdib. “Magkasama na tayo.”
“Walang kaduda-duda.” Nilapatan niya ito ng masuyong halik sa tuktok ng ulo.
“Kantahan mo naman ako,” pakiusap nito.
Bahagya siyang nabahala. Not that he couldn’t sing. Maganda ang boses niya. At composer din siya.
“Anong kanta?” Sinimulan niya itong ihele sa yakap niya.
“Kahit ano.” Lalo itong nagsumiksik sa kanyang dibdib. “You know how I always love your songs.”
Minsan pa, dinama niya ang mainit nitong palad na nakadantay sa kanyang dibdib. Haplos iyon sa bawat hibla ng kanyang pagkatao, sa bawat sulok ng kanyang puso.
Ibinuka niya ang bibig at sinimulan ang mahinang pagkanta.I see you with my heart, not just with my eyes
You whom I love, you whom I want
I share with you my everything
We share our lives in this dream
For you, too, see me with you heart, not just with your eyes
And you love me with all that you are, because of who you are
The lady borne of my heart, my fantasy
My lady love, my every wishManingning ang ngiti nito nang matapos ang awitin. Kung tama ang nakikita niya, parang naluluha pa ito at alam niyang dahil iyon sa tuwa.
“Mahal na mahal kita,” buong puso nitong saad.
“I love you, too,” marahan niyang bigkas bago unti-unting ibinaba ang ulo para hagkan ito.
Nanunuot sa kanyang sentido ang samyo ng buhok nito at damang-dama niya ang makinis nitong pisngi na hinahaplos ng kanyang mga daliri.
He could feel the warmth from her body. He could almost taste her soft sweetness…Nagmulat ang lalaki mula sa isang magandang panaginip. Yakap niya ang malaki at malambot na unan at nakanguso siya na tila naghihintay mahagkan. Mariin siyang napapikit muli kasabay ng paghilamos ng palad sa mukha.
Shit! Nakakabaliw na ang paulit-ulit na panaginip na iisa ang nilalaman pero tuwing darating sa yugtong iyon kung kailan malapit na malapit na niya itong mahalikan, magigising siya. At tuwing magigising siya, nawawala ang mga detalye ng pag-uusap nila sa kanyang alaala. Ang naiiwan lang sa kanya ay ang di maipaliwanag na udyok na mahanap ang babaeng iyon. Kailangan niyang mahanap ang babaeng iyon.
Pero saang panig ng mundo ba ito naroon?
Umuwi ka na…
Kumunot ang noo niya. Iyon nga ba ang sabi nito sa kanya? Umuwi siya. Uuwi siya… sa Pilipinas.
Oo, sa Pilipinas. Pero saan naman siya magsisimulang maghanap? Hindi niya alam ang pangalan ni ang hitsura ng dalaga.
No, alam niya ang pangalan nito. Alam niya rin kung ano ang hitsura nito. In his dreams, he knew of these things.
Abangan! 🙂
Comments