Those who followed the stories of my NBI Boys (Heracles, Gabe, Ace and Louie) might have noticed one character that suddenly went missing from the gang. I had no plans for him when I finished the whole series until this exchange deal I had with PHR author Dream Grace. She named one of her heroines after me and so I get to name one of mine after her. And I paired her with the last NBI boy, Isaac.
To be published soon, but here’s an excerpt (as published from Bookware’s site) for your reading pleasure. Ladies (and gents), Once Upon A Dream
Tumikhim siya nang medyo malakas para ipaalam sa customer na nakabalik na siya at saka muling pumuwesto sa likod ng counter. In-on niya ang computer at naghintay. Nang naghintay nang naghintay.
At akalain ba niyang wala na pala siyang kasama roon? Wala nang kumakaluskos kahit saan kaya ibig sabihin, nag-iisa na sa shop si Dream.
She hissed habang pinapaikot ang bilog ng mga mata.
Inikot niya ang inuupuan para humarap na lang sa computer. Nag-open siya ng bagong word file habang ine-engage sa diskusyon ang sarili.
“Magba-browse daw, bigla namang umalis. Aba, eh malay ba natin kung dahil napakatagal mo sa banyo kaya nainip iyon kahihintay. Malay mo kung may importanteng lakad iyon. At bakit naman affected ako sa pag-disappear niya? Customers do that all the time, anyway. Ano’ng masama kung lumarga ’yung tao? Palagay mo ganoon ka kaimportante para pagpaalaman niya? Sino ka ba sa kanya? Hindi ka naman niya nanay. Lalong hindi ka niya girlfriend. Oo, hindi nga, pero sayang ang benta. Baka umalis ’yun kasi hindi naasikaso.”
“Miss?” Medyo malamig ang kamay na dumantay sa bisig ni Dream.
Gulat na napahiyaw siya bago napalingon. At saka niya na-experience sa unang pagkakataon ang tinatawag na pagso-short circuit ng utak. Gumiwang ang mundo niya na tila ba biglang napakabilis ng ikot ng daigdig, daig pa iyong octopus ride na nasakyan niya minsan sa peryaan sa bayan.
Ito! Ganito ang tipo ng lalaking pinapangarap maging first love! First kiss. First everything! Iyong tipong masarap titigan dahil gumuguwapo ito habang tumatagal. Iyong mabango pero hindi umaalingasaw. Sapat lang na mahikayat ang kahit sino para singhut-singhutin ito sa leeg. Iyong tipo ng dibdib na masarap sandalan. Iyong tipo ng mga bisig na masarap yumakap.
At kailangan nga yata niya ng yakap nito lalo at nagpatuloy ang sensasyon na tila gumigiwang siya. Huli na nang mapagtanto niyang kaya pala gayon ay nag-tilt nang totohanan ang kanyang inuupuan. Before she could hold on to anything, nabuwal na si Dream nang tuluyan.“Ay, palaka!”
Parang slow motion na eksena sa isang pelikula ang pagkakasaksi ni Isaac sa pagharap sa kanya ng babae matapos niyang tapikin ito. Mapapansin sana niya ang simpleng kagandahan nito kung hindi nangyari ang sumunod na nangyari.
Kitang-kita niya kung paano namilog muna ang mga mata ng kaharap bago tumagilid iyong inuupuan nito. Alam na alam niyang ang kasunod niyon ay tuluyang mao-off balance ito. Sa isip niya, inihanda niya ang sarili na saluhin ang dalaga para hindi masaktan pero ang sumunod na lang niyang namalayan ay may malakas nang lumagabog at nakita niyang nasa sahig na ito.
“Okay ka lang, Miss?” Iniabot niya ang kamay para tulungan itong makatayo. “Nasaktan ka ba?”
Umiling ito at inayos ang pagkakasuot ng salamin. “Nakakahiya naman ako,” nakangiwing daing nito bago hinaplos ang gawi ng balakang. “Nagulat ako sa ’yo.”
“Obvious nga,” nakangiting turan ni Isaac, naka-extend pa din ang kamay. “Sorry ha.”
She wrinkled her nose adorably at saka kumapit sa kanya. Unang naisip niya ay kung gaano kakinis at kalambot ang palad nito. Pagkatapos ay binalot siya ng samyo ng babae nang makatayo ito sa tapat niya. She smelled warm and sugary sweet. Parang cotton candy.
“Pasensya ka na,” bahagyang natulalang aniya. “Hindi ko naisip na baka di mo ako narinig na lumapit.”
“Pasensya na din po kayo kasi bingi at tulala talaga ako kapag may iniisip.” Inikot-ikot nito ang baywang para makapag-stretch. “Weird nga daw ako, eh.”
Natawa si Isaac doon but found it hard to believe. Naisip lang niyang cute na kinakausap nito ang sarili. “Sigurado ka na okay ka lang? Puwede kitang samahan sa clinic para magpatingin.”
“Hindi na po.” Umiiling itong umatras palayo sa kanya. “Okay na po. Nakakatayo naman ako. Nakakalakad din naman. Nabugbog lang nang konti ’yung ego ko. Buti na lang may sarili akong kutson kasi baka nadamay sa bugbog ang pang-upo ko.”
Kung taba sa katawan ang tinutukoy nito bilang ‘kutson’, ewan niya kung nasaan iyon. Slim ang babae bagaman hindi payat. Sexy nga ito kung tutuusin. Sa katunayan, kung siya lang ang tatanungin, sasabihin niyang nasa tamang lugar lahat ng kurba ng katawan nito mula sa hugis ng legs, sa baywang at balakang, pati ang umbok ng dibdib…
Ipinilig ni Isaac ang ulo.
Comments